Chaptergather
Loading…

Winner takes it all

In progressYoung Adult
TagalogHuman-written

Synopsis

Si Oliver Suarez, isang 19-anyos na binata, ay may isang pangarap na sinusubukang abutin nang buong lakas – makita ang sarili niyang tumatakbo sa entablado ng Sea Games at makasungkit ng gintong medalya sa larangan ng running. Sa pag-aakalang hindi niya kayang pantayan ang mga kilalang atleta, layunin niyang patunayan hindi lamang sa ibang tao kundi lalo na sa sarili niya na kaya rin niyang maabot ang tuktok ng kanyang larangan at igawad ng karangalan ang bansang kanyang kinabibilangan.

Oliver POV

Published

Title:Winner takes it all

Author:Patriyang Arka

@2026

Nasa dorm lamang siya nang may tumawag sa kanyang cellphone at sinagot niya ito.

Numero lamang ang naka-rehistro, wala sa kanyang contact list.

"Hello," pabulong niyang sabi dahil ayaw niyang maistorbo ang ka-dormmate niyang nag-aaral.

"Hello, ito ba si Oliver Suarez?" tanong ng kausap niya sa phone.

"Opo," sagot niya

"Ah, Oliver, si Coach Chuck nga pala ito... huwag mo nang itanong kung kanino ko nakuha ang numero mo," ani Coach Chuck

Kahit sa cellphone kausap ay 'di maikakailang prangka pa rin itong magsalita.

Teka, bakit kaya napatawag sa kanya si Coach Chuck? Ano kaya ang kailangan nito sa kanya?

"Coach Chuck?" ulit niya, kahit narinig naman niya ang sinabi nito.

Wala lang, nais niya lang sigurong makasiguro.

"Yes, Oliver. Pasensya na sa istorbo," wika nito

"Ay, hindi naman po, Coach... hindi naman po kayo nakaistorbo," mahinahon niyang sabi

Pagkatapos ay bumangon siya sa kanyang higaan at saka lumabas ng kwarto. Sa labas na lamang niya ito kakausapin sapagkat baka maistorbo niya ang kanyang ka-dormmate.

Nasa bench siya at nakaupo at hawak ang phone niya.

"Ganoon ba? Kung gano'n, hindi na ako paligoy-ligoy pa. May itatanong sana ako sa'yo," ani Coach Chuck

"Ano po 'yun?"

"Gusto mo bang mag-try out ulit?" tanong ni Coach Chuck sa kanya

Dahil dito, sumilay ang malaking ngiti sa kanyang labi. Hindi siya makapaniwala na bigla lamang siyang tatawagan nito at tatanungin kung gusto niya pa.

"Po?" Sinigurado niya kung tama lamang ang kanyang narinig

"Narinig mo ang sinabi ko, di ba? Gusto mo bang mag-try out ulit?" ani Chuck

Talagang tama ang dinig niya. Inalok nga siya ni Coach Chuck.

"Sigurado po ba kayo, Coach?"

Napalunok siya ng laway at dahil sa saya ay napatayo siya at tumalon, kahit hindi naman iyon nakikita ni Coach.

"Oo. Basta bukas, alas-kuwatro ng hapon. Maghihintay ako sa field."

Sobrang saya niya talaga, walang pagsidlan. Ngayon, hindi na niya bibiguin si Coach Chuck. Kailangan niyang ipakita ang kanyang liksi sa pagtakbo. Hindi na siya puwedeng pumalpak pa.

"Opo, Coach! Salamat."

Nais ni Oliver na maiyak. Akala niya ay hanggang dito na lamang. Akala niya ay katapusan na ng kanyang mundo, ngunit hindi pala. Mayroon pa palang second chance.

"Basta galingan mo bukas ha," ani Coach Chuck na mabait naman pala ito.

"Opo. Salamat talaga nang marami," sabi niya

"Sige... bye."

"Bye po."

Ini-off na niya ang kanyang cellphone at lumundag siya sa tuwa.

Sa sobrang galak niya ay muntikan na niyang maabot ang kisame, gayong matangkad din siya.

"Yes, finally," bulong niya. Hindi niya nilakasan dahil alam niyang marami ang namamahinga sa dorm.

Ano, ipapaalam ba niya ito kay Brenda? Na mag-try out muli siya?

Pero mas maganda kung hindi muna niya ipapaalam sa kaibigan niya. Mas maganda kung saka na lang niya sasabihin kapag tanggap na talaga siya.

Pumasok siya sa kanyang kwarto na may ngiti sa labi. Napansin din pala iyon ng kanyang ka-dormmate dahil nakita pala siya nitong lumabas at may kausap sa phone.

"Masaya ka yata, tol?" tanong ng ka-dormmate niya. Pansamantala itong huminto sa pagbabasa ng aklat.

"Ehh, ano kasi..." Napakamot siya sa batok.

"Sinagot ka na niya?" pabirong sabi ni Theo

"Ha? Anong sinagot? Hindi iyon—" bulalas niya kay Theo, na hindi maalis sa labi niya ang ngiti.

"Eh bakit ka masaya? Noong nakaraang araw, para kang sinakluban ng langit."

"Masaya lang ako kasi... muli ako natanggap sa try-out," sabi niya

Naupo siya sa gilid ng kanyang kama.

"Ganun ba? Kaya pala masaya ka," ani Theo

"Oo."

"Akala ko sinagot ka ng babaeng niligawan mo?" wika muli ni Theo na may kasama pang tawa

"Hindi, wala akong niligawan," sabi niya

"Maiba tayo. May girlfriend ka na ba?" tanong sa kanya ni Theo

Sandali siyang natigilan sa tanong. Hindi niya agad nasagot.

Ang totoo, wala siyang girlfriend at lalo na, wala siyang niligawan. Bakit? Sa ngayon, hindi iyon ang priority niya dahil focus siya sa goal ng buhay niya.

Saka ayaw niya munang magkaroon ng relationship dahil ayaw niyang may aasikasuhin pa siya tuwing Valentine's Day. Ayaw niya ng ganoong set-up. Gusto niya, single muna siya.

"Wala," sagot niya

"Wala kang jowa?"

"Oo nga, sabi. Bakit?" sagot niya

"Wala lang, tanong lang," at muling bumalik si Theo sa kanyang ginagawa.

Para kay Oliver, weird talaga ang ka-dormmate niya. Pagkatapos ng tanong, tatalikod na ito.

"Ikaw ba, may girlfriend ka na ba?" balik-tanong niya kay Theo

Saka tumingin si Theo sa kanya

"Wala pa, pero niligawan, meron, oo," diretsahang sagot ni Theo

Bilib naman siya sa binata. Wala naman itong pag-deny sa kanya. Kapareho lamang niya si Theo ng year at magka-edad lamang din sila.

"May niligawan ka?" ani Oliver

"Oo, isang kolehiyala," wika ni Theo "At alam mo ba, siya yung klaseng babae na gusto kong makasama palagi," pagmamalaki ni Theo kahit hindi naman niya tinanong.

"Nag-aaral din pala ang niligawan mo?" ani Oliver.

"Oo... gusto mo tingnan ang picture niya? Heto..." Kukunin na sana ni Theo ang kanyang cellphone, subalit tumanggi si Oliver.

"Huwag na, tol. Okay lang," sabi niya at saka nahiga na siya.

"Ayaw mong tingnan siya?" nakasimangot si Theo.

Masyadong overproud itong si Theo sa niligawan niya eh hindi pa naman niya nobya.

"H...hindi," ani Oliver

Hindi siya interesado. Ano bang pakialam niya sa niligawan ni Theo? Weird talaga ng lalaking ito. Kahit hindi naman niya tinanong, masyado itong mahaba mag-explain.

Gusto lang naman niya sana pag-usapan nila ang tungkol sa laro niya, eh kaso bakit nauwi sa babae? Hayss.

"Ikaw ba, ano bang sports ang napili mo?" tanong ni Theo.

Sa wakas, tumigil na ito sa pagpapakita ng picture ng niligawan niya.

"Hmmm, ano... running," sagot niya habang nagso-scroll sa kanyang cellphone.

"Running? Bakit 'yan ang napili mong sports?"

"Bakit hindi? Maganda naman," ani Oliver.

"Wala naman akong sinabing kakaiba," ani Theo.

"Pangarap ko kasi sumali sa Sea Games," ani Oliver.

Ang Sea Games ang pinakananais niyang salihan sa lahat. Mula pa noon ay tanging pangarap na niya ito.

"Sea Games? Wow..." ani Theo

Napailing na lang si Theo

Napansin naman iyon ni Oliver. Para bang walang tiwala ang lalaking ito sa kanya.

Hindi na lamang pinansin ni Oliver ang expression na iyon. Ang importante sa kanya ay kung paano siya makapasa.

-------------------------------------

*BRENDA POV*

--------------------------------------

Tumawag si Tito Nel sa kanya.

Dali-dali niya itong pinindot at sinagot. Paano naman kasi, excited na siyang marinig ang sasabihin nito.

"Hello, Tito," ani niya pagka-on niya sa answer button

"Bren, natawagan ko na ang kaibigan kong si Chuck, and guess what? Pumapayag siya," ani Tito Nel niya.

Natutuwa naman si Brenda sa kanyang narinig. Hindi pa rin siya bibiguin ng kanyang Tito Nel. Alam niyang mahal siya ng kanyang Tito dahil siya lamang ang nag-iisang pamangkin nito.

"Salamat po, Tito. Salamat po nang marami." Napakasaya niya ngayong araw.

Masaya siya dahil gagawin niya ito para kay Oliver. Para sa kaibigan niya itong ginagawa. Nais lamang niyang sumaya si Oliver.

"O siya, siya... walang anuman," ani Nel

"So... ano, sasabihin mo ba sa kaibigan mo ang tungkol dito?"

Hindi siya makasagot sa tanong ng Tito Nel niya.

Anong sasabihin niya?

Na kinausap niya si Tito Nel na baka puwede nitong pakiusapan ang kaibigan nitong si Coach Chuck na pagbigyan si Oliver ng isa pang pagkakataon na makapag-try out?

Subalit hindi naman ito puwede. Hindi niya ito maaaring sabihin. Sigurado, kapag sinabi niya ito kay Oliver, baka kung ano pa ang isipin ng binata sa kanya. Kilala niya si Oliver.

"Hindi na siguro, Tito. Sige po, salamat ulit, Tito," ani niya at siya na ang unang nagbaba ng cellphone.

"Sige, Bren. Bye."

Napabuntong-hininga na lamang si Brenda pagkatapos at marahang nag-isip.

Basta ang ginawa niya ay para sa kaibigan niya

Chapter comments

0
You

Chapters

Chaptergather uses analytics cookies to understand how the site is used. See the Privacy Policy for details.