A Chance To Love (Filipino)
Published
"A Chance To Love"
Written by: Cerene Writes
SA bawat pagbukas ng pinto sa opisina ng manager na a-apply-an ko ng trabaho ay napapalingon ako. Sinusuri kung mukha bang natanggap ang bagong labas at katatapos lang sa interview? Masama man ngunit hinihiling ko na hindi pa sana sila qualified sa hinahanap ng manager. Walo kaming mag-a-apply at ako ang nasahulihan ng pila para sa interview. Ang masama ay sa aming walo, tatlo lamang ang kukunin, at kung makita kaagad nila ang mga qualified sa hinahanap nila ay hindi na kami bibigyan ng chance para ma-interview.
Napakaraming puwede kong pasukan na fast food chain, ngunit dito sana ang nais ko dahil malapit lamang ito sa bahay at sa eskwelahan na papasukan ng anak ko sa darating na hunyo.
Kung siguro hindi ako iniwan ng magaling kong ex-boyfriend ay kahit papaano'y hindi na 'ko mahihirapan, kayalang ang lokong paasa ay bigla na lang akong iniwan sa ere. Tatlong buwan na akong buntis nang mag-abroad siya at sinabing para sa magiging anak namin, pero tatlong buwan pa lang siya sa Saipan ay nakita ko na lang sa social media na mayroon na siyang iba. Noong una ay sinusustentuhan niya ang pagbubuntis ko, ngunit hindi rin nagtagal ay naka-block na 'ko sa social media niya, hindi na rin siya nagparamdam. Marami pa sana akong maaring kausapin na kaibigan niya upang makausap siya ngunit pinigilan ako ni Mama, at sinabing kami na lang ang magpapalaki sa anak kong si Chris at hindi namin kailangan ang ama nito.
"...and Catherine Salazar." Hindi ko namalayan na lumabas na pala ang sekretarya ng manager, namalayan na lang ako nang tawagin ang pangalan ko. "Sorry but we had enough staff for now, please wait for our follow announcement if we need new employees, thank you."
Naibagsak ko ang aking balikat. Malinaw ang mga sinabi ng secretary pero tila ayaw tanggapin iyon ng sistema ko. Kaya wala akong nagawa kun'di sundan ng tingin ang mga kasama kong hindi na umabot sa interview, habang ako ay parang napako ang mga paa sa sahig.
Napatingin na lang ako sa isang pinto nang niluwa niyon ang alam kong manager ng Fast food chain na kinaroroonan ko.
"Still waiting Miss? Hindi pa ba sinasabi ng secretary ko na hindi na kami naghahanap ng employees?" Tumaas ang kilay ng lalaki. Kung titingnan ay mukha pa itong bata, siguro mga 30, years old pababa. Ito ba talaga ang manager? Bakit parang ang bata?
Humigop ako ng hangin. "Sir, ako po si Catherine. Sinabi na po ng sekretarya ninyo, pero Sir baka puwedeng bigyan ninyo po ako ng chance? Kailangang-kailangan ko po ng trabaho," pakiusap ko.
"I'm sorry Miss Catherine, pero tapos na ang interview." Nagpameywang pa siya sa harap ko habang hinihilot ang paggitan ng dalawang kilay niya.
"Pero Sir, sige na po, kailangan ko po kasi talagang makaipon para sa pag-aaral ng anak ko sa June."
Mukha siyang natigilan at mabilis na napalitan ang kaniyang anyo na parang nagulat sa nadinig.
"May anak ka na? You look..." Tiningnan niya 'ko nang maigi. "Young," dugtong niya.
Bahagyang bumagsak ang balikat ko. "Young mother, Sir," bulong ko ngunit sapat na para marinig niya.
Tumango tango siya. Sa hindi ko malamang dahilan ay parang bigla siyang naging interesado sa akin base sa pamamaraan niya ng pagkakatingin. O baka imahinasyon ko lang?
Nagulat ako nang ilahad niya ang palad niya sa harap ko. "Can I check your resume?"
Maluwang na napangiti ako at mabilis na ibinigay sa kaniya ang resume ko. Nakaramdam pa ako ng kaba nang tingnan niya ang bawat pahina niyon.
Hindi ko mapigilan na pagmasdan at suriin ang kaniyang ekspresyon. Nais kong malaman kung magiging interesado ba siya dahil sa resume ko.
"Nakalagay rito na single mother ka, where's the father?" Basa ang kyuryusidad sa kaniyang mukha. Gusto ko sanang magtanong kung kasama ba iyon sa impormasyon na kailangan niya bilang employees, ngunit natatakot ako na baka failed 'agad ako sa interview na ito, (well, kung interview nga ang tawag dito,) kung hindi ako sasagot.
"Sumakabilang bahay po- ay I mean-"
Hindi ko pa nababawi ang sinabi ko ay kaagad na siyang humalakhak. Ang nakakapagtaka ay hindi nakakainsulto ang tunog ng tawa nito, para lang siyang naaaliw.
"I admire single mothers, I trust them. Sobrang responsable ng tingin ko sa kanila," sinabi niya matapos tumawa. "Sa lunes ang umpisa mo, kunin mo ang details sa secretary ko." Pagkasabi niya niyon ay nagpamulsa na ito ng isang kamay habang hawak sa kanang kamay ang resume ko at malalaki ang hakbang na umalis. Habang ako ay halos matulala sa gulat ngunit hindi nagtagal ay napatili na lang sa tuwa.
7:30 AM ang pasok ko kaya naman maaga 'kong nagising, at maaga ring nagising ang anak kong si Chris.
"Buong araw mawawala si Mommy, kaya magpapakabait ka ha, huwag mong pasasakitin ang ulo ni lola," bilin ko kay Chris habang tinitimplahan ko siya ng gatas, nakaupo siya habang kumukuyakoy ang paa.
"Opo! Makikipaglaro lang po ako kay Mai Mai," magiliw na sabi ni Chris sabay bungisngis. Narinig ko naman ang bahagyang pagtawa ni Mama. Si Mai Mai ay ang anak ng kabit-bahay namin na siyang bine-babysit ni Mama.
"'Ma, ikaw nang bahala kay Chris."
"Oo naman, basta ikaw ha, kahit nasa trabaho ka ay aalagaan mo pa rin ang iyong sarili." Tanging tango at ngiti lamang ang sinagot ko kay Mama, matapos ay pumasok na ako sa trabaho. Nakatoka ako sa counter kung saan palaging kinakailangan ng 'sunshine' dahil bawal ang nakasimangot, ayon sa patakaran ng manager dito.
Lumipas ang tatlong oras ay isa na ako sa nakatoka para magpahinga. Hindi kagaya ng iba kong kasama na bumili ng makakain sa labas dahil maaga raw silang magsasawa sa amoy ng pagkain dito, mas pinili kong manatili sa lobby kung saan lang kami maaring gumamit ng cellphone. Ang usapan namin ni Mama ay kapag may emergency Magte-text siya sa akin kaya nais kong masiguro kung ayos lang ba sa bahay.
Napatingin ako sa may pinto nang bumukas iyon. Nakita ko ang manager na mukhang bahagyang nagulat sa presensya ko ngunit kaagad din nagkaroon ng ngiti sa labi. Doon ko lang naalala na hindi pa pala ako nakakapagpasalamat sa kaniya. Kung hindi dahil sa kaniya ay baka trabaho na sa palengke ang nahanap ko dahil iyon na lang ang malapit sa amin.
"Sir..."
"Jake," pagbibigay niya ng kaniyang pangalan. Tumabingi ang aking ngiti.
"Sir Jake, gusto ko sanang magpasalamat sa oportunidad na binigay ninyo sa akin," pagtuloy ko.
"Wala iyon, I told you, may tiwala ako sa katulad mo," sabi niya, at naupo sa tabi ko.
"Bakit po? Single father ka rin?"
Tumawa siya nang magaan saka umiling. "Kapag wala tayo sa trabaho maari bang Jake na lang ang itawag mo sa akin at medyo bawasan ang 'po' mo, 'wag na tayong masyadong pormal," aniya. Bahagya akong napatungo ngunit 'agad din na muling napaangat ang tingin sa kaniya nang muli siyang magsalita.
"I was raised by my single mother, she had sacrificed everything for me, things that my father can't do for his own child, so he dumped my mom." Binalingan niya 'ko. "And I saw my determined mother in your eyes." Kita ko ang pagiging seryoso sa ipinahayag niya, ngunit hindi ako makaramdam ng kaba at pagkailang dito.
Napangiti ako. "You can call me 'mommy' if you want," biro ko. Ewan ko ba pero ang gaan ng loob ko sa kaniya. Siya ang unang lalaking hindi ko kina-ilangan matapos kong magbuntis. Pakiramdam ko kasi ay wala na 'kong karapatan na makipagkaibigan sa lalaki nang magkaanak ako. Ngunit iba ang dating at awra sa akin ni Jake, ang bilis kong naging komportable.
Muli ay humalakhak siya. "Silly," kaniyang bulong na tinawanan ko na lang.
Hindi iyon ang huli naming pag-uusap na may biruan, madalas sa lobby pa rin at kapag break time. Medyo nahihiya kasi ako na makipag-usap sa kaniya sa harap ng iba naming katrabaho, ayokong mag-isip sila ng iba.
Isang gabi matapos kong patulugin si Chris ay nagulat ako nang mag-text si Jake sa akin. Naka-save na ang number niya sa cellphone ko na nakuwa ko lang dahil sa manager siya at staff ako, kaya naman kailangan namin ng contact sa isa't isa.
Akala ko noong una ay tungkol sa trabaho, ngunit ekstraherada akong napangiti nang mabasa kong simpleng, "Good night! See you tomorrow," lang ang nakalagay sa text niya.
Parang may kumiliti sa sistema ko na hindi ko alam kung bakit. Tila sa isang simpleng usapan ay walang kahirap hirap si Jake na pangitiin ako. Minsan pa'y nakakatulog na lang ako sa gabi na ang conversation namin ang huli kong iniisip.
"Ang tagal na nang huling beses kitang nakitang ngumiti nang ganiyan, a," malumanay na sabi ni Mama. Naupo siya sa tabi ko sa kama at marahan na hinaplos ang kaliwang pisngi ko.
"Gusto ko ang nakikita ko sa iyo ngayon, Catherine."
Umiling ako. "'Ma, mali po kayo ng iniisip, magkaibigan lang kami ni Jake."
"Dahil iyon ang mas pinipili mo. Halata naman na gusto ka ng tao."
Napatungo lang ako. Sa edad na 24, years old ay wala pa rin akong naitatago kay Mama. Siguro dahil bata pa lang ako ay siya na ang katuwang ko lalo na nang maghiwalay sila ni Papa noong grade school ako. Hanggang ngayon na ina na 'ko ay siya pa rin ang katuwang ko. Madalas kapagtulog na si Chris ay nagpapakuwento siya tungkol sa mga nangyari sa akin sa trabaho, at ang madalas kong nababanggit sa kaniya ay si Jake. Siguro dahil sa bugso ng damdamin kaya ang tungkol kay Jake ang palagi kong naikukuwento. Inaamin ko, na sa loob ng apat na buwan na palagi kong nakakasama si Jake ay nagugustuhan ko na siya. Pero hindi ko naman ito sinasadiya.
"'Ma, ayoko nang magmahal ulit, natatakot ako na magmahal ulit sa taong iiwan lang din naman ako. Isa pa, may anak na 'ko. Masyadong maganda ang buhay ni Jake kumpara sa akin, single pa rin siya, hindi kami bagay, maraming babaeng mas bagay sa kaniya."
Sa ilang buwan ay nakilala ko si Jake nang lubusan. Siguro dahil sadiya niyang ipakilala ang tungkol sa kaniya sa akin. Batid ko na gusto ako ni Jake, at nais niyang lumagpas kami sa pagiging magkaibigan. Ngunit bago pa niya malipat doon ang usapan ay palagi ko na siyang hinaharang.
Hinawakan ni Mama nang magaan ang kamay ko. "Anak, hindi por que hindi na ako nakapag-asawa ay ibig sabihin hindi na 'ko puwedeng muling umibig, sadiyang hindi lang ako nakahanap ng taong magbubukas ng pinto para sa akin. Pero ikaw, may nagmamahal sa 'yo, kung may handang tumanggap sa 'yo at sa anak mo ay huwag mo na siyang itaboy. Sino bang nagsabing ang single ay para sa single lang? May rules ba kung sino lang ang maaring magmahal at hindi? Kahit na sino ka pa o anong pinanggalingan mo ay maari ka pa rin mahalin at magmahal, ang kailangan mo lang ay harapin ang takot sa posibilidad na masaktan, ngunit tandaan mo na kung hindi mo susubukan ay ikaw na ang tuluyang mag-aalis ng pag-asa sa 'yong sarili."
Dahil sa mga sinabi ni Mama ay nabuo ang loob ko. Na hindi ko na iiwasan ang nararamdaman para sa akin ni Jake. Ngunit sa mga sumunod na araw ay tila naging abala ang mga manager dahil sa nagkakaroon ng problema ang fast food chain, kaya naman naging madalang ang pag-uusap namin.
Naging mabilis ang takbo ng mga araw at nagulat na lang ako nang mabasa ko ang text ni Mama na naaksidente raw pauwi si Chris at tinakbuhan pa ng driver ang anak ko. Hindi naman sobrang lala at ipinagpapasalamat ko sa Diyos na buhay pa ang anak ko. Ngunit kailangan ko ng malaking halaga para mailabas ang anak ko sa ospital.
Kaya nagdesisyon akong humingi ng advance payment sa boss ko, ngunit sa laki ng problema ng fast food chain ay hindi ako napagbigyan. Nanlulumo na napaupo ako sa pinakamalapit na upuan sa labas ng opisina.
Hindi ko na alam kung paano ko sosolusyunan ang problema ko.
"Magkano ba ang kailangan mo?"
Napaangat ang ulo ko kay Jake nang bigla itong magsalita. Sa kakaisip ng paraan ay hindi ko na napansin ang presensya niya.
"10,000," bulong ko.
Magaan siyang ngumiti. Iyong ngiti na nakakagaan ng kalooban at nagpapahiwatig na maaayos din ang lahat. Nilahad niya ang kamay sa harapan ko.
"Halika, bayaran na natin nang makalabas na si Chris."
"Matatagalan ang balik ko sa 'yo ng pera mo."
"Ayos lang, hindi naman kita agad sisingilin."
"Ang trabaho mo?"
Kinuha niya ang kamay kong nakapatong sa hita ko at magaang hinila ako patayo.
"Masiyado akong naging abala sa problema ng negosyo namin, hindi ko na namalayan na namomroblema ka na pala. Kaya magmula ngayon ay pinapangako kong ikaw na at si Chris ang uunahin ko sa lahat." Namumungay ang kaniyang mga mata habang nakatingin direkta sa mga mata ko.
Parang hinaplos ang puso ko sa hayagang sinabi niya, at ang tanging naisukli ko lang ay isang mahigpit na yakap.
Kaagad nga kaming nagtungo sa ospital at siya na rin ang nagbayad. Kasama na sa 10,000 ang mga gamot na kailangan para sa kirot at sugat na natamo ni Chris dahil sa pagkabangga sa kaniya ng tricycle.
"Oh, sino ang binatang ito?" gulat na bulalas ni Mama nang makita si Jake. Mabilis naman na nagmano si Jake saka nagpakilala.
"Jacob Tizon po, pero Jake na lang po ang itawag ninyo sa akin."
"Anak, hindi mo naman sinabing guwapo pala si Jake," magiliw na sabi ni Mama.
Napailing na lang ako habang dinadaluhan ko si Chris na nakatulala kay Jake na ngingiti-ngiti lang sa kaniya.
"Mommy siya po si Daddy?" Namula ang mukha ko sa tinanong ng anak ko ngunit kaagad akong umiling.
"No Baby, call him Tito Jake."
Lumapit si Jake at kitang-kita ko ang pagkaaliw niya kay Chris.
"Hello there, can I have your name?"
"Ginawa mo pang englesero ang anak ko," natatawa kong biro.
Hindi pa nakakapag-react si Jake ay sumagot na si Chris.
"Hello! I'm Christian Salazar, 6 years old, and it's very nice to meet you. Can I know your name, too?"
Napatawa si Jake sa itinuran ng anak ko. Kahit na may sugat sa katawan maging sa mukha ay bibo pa rin ito.
"I'm Jacob Tizon and I'm here to help you to leave this boring hospital. Do you want to go home and play outside?"
"Yes!"
Mukha naman natuwa at na-excite si Chris. Kinabukasan matapos maayos ang mga dapat ayusin ay nailabas nga namin si Chris. Hinatid pa kami ni Jake sa bahay.
Buong araw siyang nakipagkulitan sa anak ko. Nang hapon na ay nakatulog na rin ang bata. Inaya ko si Jake na mag-usap sa labas ng kuwarto at iniwan si Chris kasama si Mama.
"Jake, bakit ba ang bait-bait mo? Ano ba ang intensyon mo?"
"Alam kong alam mo ang nararamdaman ko, mahal kita, Cath," seryoso siya sa kaniyang sinagot, at makikitaan rin siya ng sensiridad sa mga mata.
"Naririnig mo ba ang sarili mo? Jake, may anak na 'ko," halos mabiyak ang boses ko sa aking protesta.
"Alam ko, at gusto kong maging ama ng anak mo. Wala kang tinago sa akin mula noon, nang mahalin kita ay alam ko na ang responsibilidad mo, alam ko nang may anak ka na ngunit walang nagbago sa atraksyon ko sa 'yo unang beses pa lang kitang makita sa labas ng opisina, sa halip ay natutunan pa kitang mahalin."
Hindi ko mapigilan ang mapaluha dahil sa mga sinabi ni Jake. Parang niyayakap ang puso ko dahil sa mga ipinagtapat niya. Pakiramdam ko ay sasabog ang dibdib ko sa nag-uumapaw na kaligayahan.
"Jake, bakit sa dinami-rami ako pa?" nangingiyak kong tanong na hindi ko sigurado kung kailangan ko pa nga ba ang sagot.
"Hindi ko rin alam, wala akong dahilan, ngunit alam ko na sa dinami dami ng babae sa mundo ay nag-iisa ka lang naman na babaeng nais kong makasama at mahalin, ikaw lang, Catherine," hinawakan niya ang kamay ko. "Kaya sana sagutin mo ang tanong ko ayon sa laman ng puso mo. Kung 'hindi' ay handa akong maghintay ngunit kung 'oo' ay pinapangako kong mamahalin ko kayo ni Chris na kasunod ng pagmamahal ko sa Diyos, ituturing kong akin si Chris at hinding-hindi mo na kakailanganin na mag-isang buhayin siya." Hinalikan niya ang ibabaw ng palad ko. "Cath, mahal mo ba 'ko?"
Bumuhos ang mga luha ko. Inaamin kong natatakot pa 'kong magmahal muli, na may agam-agam pa rin ako na maari pa 'kong masaktan uli. Ngunit handa na 'kong sumugal, sapagkat sa ikalawang pagkakataon ay natuto ulit akong magmahal, binuksan ulit ni Jake ang aking puso sa bagong pag-ibig. At muling ipinakita ang mukha ng pag-asa't pag-ibig na noon ay inakala kong hindi na para sa akin.
Marahan akong tumango kasabay ng isang matamis na ngiti.
"Oo Jake, mahal din kita."
At ngayon ay alam kong hindi por que minsan tayong nasaktan at nabigo sa pagmamal ay ibig sabihin wala nang pag-asa, wala nang bagong pagkakataon. Dahil hanggang tumitibok ang ating puso ay laging may bagong pagkakataon.
Chaptergather